HINDI pa man nagtatagal sa pwesto, agad na umani ng positibong reaksyon si Major Gen. Leo Francisco matapos magbunga ang repormang ikinasa sa Philippine National Police – Civil Security Group (PNP-CSG).
Sa isinagawang inspeksyon sa Western Visayas region, naging mainit ang pagsalubong ng mga stakeholders ng Supervisor Office for Security and Investigation Agency (SOSIA) sa anila’y mas mabilis na proseso sa renewal ng lisensya ng mga security guards.
Kasabay ng pagbisita, pinulong rin ni Francisco ang mga miyembro ng PNP-CSG Advisory Council kung saan ibinida ng mga private security agencies ang one-day processing time para sa renewal ng lisensya ng mga gwardya.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong ang mga kinatawan mula sa hanay ng security agencies, mining sector, firearms companies, gun club, K-9 dog trainee’s, fireworks industry at iba pa.
“Antagal na namin sa negosyong ito pero ngayon lang namin naranasan ang mabilis na proseso… dati pabalik-balik kami. Sayang ang panahon at pagkakataon makapagtrabaho ng mga gwardya namin,” sambit ng isang may-ari ng security agency.
Para kay Francisco, malaking bentahe sa pambansang kapulisan ang “feedback,” pintas, papuri at mungkahi ng iba’t ibang sektor para sa pagsasaayos ng sistema.
Pinasalamatan din ng heneral ang advisory council na nagsisilbing tulay sa pagitan ng PNP-CSG at mga stakeholders.
Dagdag ni Francisco, patuloy namang ginagawa ng Firearms and Explosive Office ang proseso sa mga renewal ng License to Own Firearms Permit para maiwasan at at tuluyang burahin ang kultura ng palakasan sa naturang tanggapan ng pambansang kapulisan.
Samantala, nakatakda rin pumasada sa susunod na linggo si Francisco sa mga tanggapan ng Regions 10 at 11 para mangalap ng “feedback” sa repormang ikinasa sa PNP-CSG. (Edwin Moreno)
