PARA sa Commission on Human Rights (CHR), hindi solusyon ang pagbabalik ng parusang kamatayan para wakasan ang malawakang katiwalian sa pamahalaan.
Ito ang reaksyon ng komisyon matapos maghain ng panukala sa Kamara si Zamboanga City Rep. Khymer Olaso. Partikular na tinukoy ng naturang ahensya ang Death Penalty for Corruption Act na anila’y binalangkas para takutin lang ang mga public officials.
Gayunpaman, nanindigan ang CHR na mas angkop kung pagtutuunan ng pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas laban sa katiwalian, pagpapahusay ng pagsusuri sa salapi at iba pang pag-aari ng estado at maging mapagmatyag sa transaksyon ng gobyerno.
Kabilang rin anang CHR sa mga dapat isulong ng pamahalaan ang full disclosure policy sa lahat ng may kinalaman sa kaban ng bayan.
“CHR affirms that corruption is most effectively addressed through institutional reforms, consistent law enforcement, and robust transparency and accountability mechanisms, rather than extreme punitive measures like the death penalty,” pahayag ng CHR.
“Such cruel punishment does not address the problem; instead, it obscures the need for systemic reforms and misdirects focus from preventative measures, such as strengthening accountability mechanisms and governance systems.”
