EMERGENCY nga di ba? Kapag emergency, hindi pwede ang slow motion. Ito marahil ang naglalaro sa isip ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. matapos aminin na siya man ay nababagalan sa proseso para sa deklarasyon ng food security emergency sa bigas.
Sa 2025 Budget Execution Forum, pinawi ni Laurel ang agam-agam ng mga magsasaka, konsyumer at iba pang sektor, kasabay ng giit na kailangan sundin ang proseso ng gobyerno.
Anang Kalihim, hindi biro ang dami ng mga ahensyang dadaanan bago pa man tuluyang magkabisa ang Food Security Emergency.
Paglilinaw ni Laurel, may sapat pa naman umanong oras bago sumapit ang panahon ng anihan ng mga magsasakang Pinoy.
“Pati ako medyo nagmamadali rin to be honest and I feel the farmers, but of course there’s a process that every government agency has to go through, well bago papirmahan sa mga head of agency, it has to go through iyong pagba-barcode, iyong paganon,” ani Laurel.
Kumbinsido rin ang Agriculture chief na maidedeklara ang Food Security Emergency sa takdang panahon.
Sa sandaling magkabisa ang Food Security Emergency, ilalabas na ng kagawaran ang nasa 300,000 toneladang bigas na nakaimbak sa mga bodega ng National Food Authority para ipasa sa mga lokal na pamahalaan na magbebenta naman ng supply sa murang halaga.
Sa bisa rin aniya ng Food Security Emergency, pwede na ulit bumili ng palay ang NFA mula sa mga lokal na magsasaka.
