NALAGAY sa balag ng peligro ang negosyo ng tatlong pangunahing internet providers sa bansa matapos pagtibayin ng Senado ang resolusyon magbibigay-daan sa pagpasok ng Starlink Internet Services na pag-aari ng pinakamayamang indibidwal sa buong mundo.
Sa pinagtibay na Senate Joint Resolution No. 3, inatasan ng Senado ang National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng provisional authority to operate ang Starlink ni Elon Musk.
Para sa mga senador na lumagda sa naturang resolusyon, malaking bentahe ang Starlink sa pagtugon sa kakulangan ng tinaguriang “digital highways” partikular sa malalayong lugar.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-halaga ni Senador Grace Poe ang pagkakaroon ng maasahan at accessible internet na inilarawan ng mambabatas bilang “universal human right.”
“Connectivity is not a privilege but a gateway to countless other human rights,” wika ni Poe, kasabay ng paglalatag ng iba pang datos na patunay ng mababang antas ng internet connection sa bansa.
Aniya, mahigit 65 porsyento ng Pilipino ang walang access sa internet sa kabila pa ng agresibong pagkilos ng pamahalaan para sa Free Public Wi-Fi Program at National Fiber Backbone Project.
Bilang patunay, ibinahagi ng senadora na nasa ika-169 pwesto ang Pilipinas sa talaan 2024 Internet Poverty Index sanhi ng kakulangan ng imprastraktura. Napag-iwanan na rin umano ang Pilipinas sa Southeast Asia pagdating sa aspeto ng “internet affordability and performance.”
“The entry of Starlink, authorized by the NTC in 2022, has enabled access to remote communities through satellite technology, eliminating the need for costly infrastructure… allowing Starlink to build ground stations in the country will maximize its existing services.”
Tinukoy din ni Poe ang ang mahalagang papel ng internet sa automated election.
Sinuportahan naman ni Senador Joel Villanueva ang resolusyon gamit ang 2024 World Bank report na pumalo ang Pilipinas sa pinakamahal – bukod pa sa pinakamabagal na internet sa Southeast Asia.
“Granting provisional authority to Starlink offers a significant opportunity to make internet access faster, more reliable, and affordable for all Filipinos,” saad ni Villanueva.
Sinabi pa ni Villanueva na kapag mas mahusay ang connectivity, uunlad ang edukasyon,
healthcare, commerce, at government services, alinsunod sa digital transformation agenda ng bansa.
Maging si Senador Sherwin Gatchalian, kumbinsidong mahalaga ang serbisyo ng Starlink partikular sa panahon ng kalamidad.
“When typhoons, earthquakes, or floods destroy traditional telecommunications infrastructure, satellite networks remain operational,” anang senador, kasabay ng giit sa bentahe ng internet access sa pagpapaunlad ng kanayunan para sa mas mahusay na oportunidad sa edukasyon, trabaho at komunikasyon.
Sinusugan din ni Senador Juan Miguel Zubiri ang kahalagahan ng satellite-based telecommunications services ng Starlink na maaaring magkaroon ng mas mahusay na connectivity sa malalayong lugar.
“I’ve seen what Starlink has done in nations without internet access — napakaganda ,” ayon kay Zubiri. (ESTONG REYES)
