BUMAGSAK ang kalidad ng edukasyon sa bansa sa panahong si Vice President Sara Duterte pa ang Kalihim ng Department of Education (DepEd), ayon kay House Deputy Minority Leader at ACT-Teachers partylist Rep. France Castro.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Castro ang pinakahuling ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) kung saan mistula aniyang dumami ang problema ng education sector.
“The EDCOM II findings confirm what we have been saying all along – that VP Sara Duterte’s stint as DepEd Secretary was marked by gross mismanagement and neglect that worsened our education crisis,” wika ng militanteng kongresista.
“Sa halip na tugunan ang mga pangunahing suliranin ng edukasyon, ginawa pa niyang personal na piggy bank ang confidential funds ng DepEd at pinabayaan ang mga tunay na pangangailangan ng mga mag-aaral at guro,” dugtong ng mambabatas mula sa hanay ng mga guro.
Sa naturang EDCOM II report, nalantad ang aniya’y kapalpakan at kapabayaan ni Duterte sa implementasyon ng MATATAG curriculum dahil sa naantalang pamamahagi ng mga libro, kakulangan sa kasanayan ang mga guro at pagtaas ng classroom backlog sa mahigit 165,000.
“Nawalan ng halos kalahati ng learning days ang mga estudyante dahil sa mga class suspensions at kalamidad, pero wala siyang ginawang konkretong hakbang para masolusyunan ito,” patutsada ni Castro.
“Also under VP Duterte fifty-five percent of public schools have operated without fully designated school principals. The quantity, quality, and qualifications of school leaders are in a dismal state. Data reveal that only 45% of public schools have a designated school principal, with 12,057 schools with incorrect school head items, contrary to DepEd’s own policies,” dugtong niya.
Pinuna rin ang bise-presidente sa klase ng pamumuno. Sa halip na pakinggan ang mga guro at education stakeholder ay pinili umanong gamitin ang kapangyarihan para sa personal na interes at political ambitions.
Samantala, iginiit ni Castro na ang EDCOM II report ay nagpapatibay sa kanilang patuloy na pinaglalaban – ang pagkakaroon ng tunay na reporma sa sistema ng edukasyon sa bansa.
“Kailangan nating wakasan ang ganitong uri ng pamamahala at ipaglaban ang isang makabuluhan, makabayang edukasyon para sa ating mga kabataan. Kaya hinahamon natin si Sec Angara na huwag gayahin si VP Duterte, at kagyat na makinig sa mga guro at iba pang sektor sa edukasyon para masolusyunan ang krisis sa edukasyon,” ani Castro
“Dapat kagyat din nyang punuan ang mga bakanteng posisyon sa mga paaralan lalo na para sa mga prinsipal at mga guro. Bakit pa ba pinatatagal ito? Panahon na para kumilos!” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
