HINDI dapat pagtagalin ang imbestigasyon ng pulisya sa mga insidente ng karahasang may kaugnayan sa nalalapit na halalan, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Marbil.
Sa isang kalatas, inatasan ni Marbil ang kapulisan na paspasan ang tinawag niyang “validation” sa pitong “election-related violence” kung saan dalawa ang kumpirmadong nasawi.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, binigyan lamang umano ng 10 araw ang PNP Regional Validation Committee na magsumite ng ulat, pagsusuri at rekomendasyon hinggil sa mga karahasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Target aniya ng PNP, kumalap ng datos para sa mga “election-related violence.”
Paalala ni Fajardo, meron lamang 10 araw (mula sa petsa ng insidente) ang naturang komite para tukuyin kung alin at ilan ang papasok sa kategorya ng “election-related violence.”
Paliwanag ng tagapagsalita ng pambansang pulisya, mahalaga ang agarang aksyon upang masiguro ang mabilis na pagresolba ng mga kaso. (EDWIN MORENO)
