WALA sa plano – at lalong hindi estilo ni Senador Bong Go ang paninira sa kapwa kandidato para manalo sa nalalapit na halalan, kasabay ng giit na hayaan ang sambayanan humusga sa nagdaang administrasyon.
Sa isang pahayag, dinepensahan ng reelectionist senator ang administrasyon ni former President Rodrigo Duterte sa aniya’y husay sa pamumuno sa kabilang ng mabigat na hamon sa loob ng anim na taong termino.
Una nang nagpatutsada si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paghawak ng nagdaang administrasyong Duterte sa COVID-19 pandemic, extrajudicial killings at usapin sa West Philippine Sea.
Para kay Go, ipinamalas ng dating pangulo ang tinawag niyang “political will” para ituwid ang mali at katangi-tanging husay sa gitna ng krisis.
Katunayan aniya, nasa malusog na estado ang ekonomiya ng bansa nang bumaba sa pwesto si Duterte.
“Nalagpasan po natin ang mga pagsubok. Nai-turnover niya (Duterte) ang gobyerno sa bagong administrasyon noong 2022 nang maayos at maganda po ang takbo ng pamumuhay natin noong 2022,” depensa ng senador.
“Kaya hayaan na natin ang taumbayan ang humusga. Kaya tayo may eleksyon sa 2025 para taumbayan na po ang humusga kung sino po ang nagtatrabaho,” pagtatapos ni Go na kabilang sa mga nangungunang kandidato batay sa mga political surveys na isinagawa ng private research groups kabilang ang Social Weather Station at Pulse Asia.
