MATAPOS ang matagumpay na paglulunsad sa kinalakhang probinsya, inansyo ni House Speaker Faustino Dy III ang pagpapalawig ng bagong LegisHear program ng Kamara sa iba’t ibang sulok ng bansa.
“Syempre, katulad nga nito, ito ang umpisa ng ating programa. Katulad nga ng sinasabi ko, ang aming mga miyembro ng House ay kakausapin namin kung sino ang susunod na magho-host, para tuloy-tuloy ang mga ganitong programa at para talagang malaman namin ang mga panukalang batas na aming isusulong. Hindi kami titigil,” pahayag ni Speaker Dy.
Pagkatapos ng matagumpay na pakikipag-ugnayan sa Isabela, nakatakda naman aniyang dayuhin ng Kamara ang Butuan at Dumaguete City para sa panibagong public consultations na naglalayong makabuo ng mga panukalang batas na mas makakatugon sa pangangailangan ng bawat mamamayang Pilipino.
“The consultations form part of the House’s commitment to building a “Bagong Kongreso” that is open, participatory, and responsive by bringing lawmakers closer to communities instead of waiting for citizens to come to Congress.”
Sa panig ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, tinukoy niya ang LegisHear bilang long-term goal ng Kamara na madala sa buong 82 lalawigan ng bansa upang mahimok ang publiko na maging kabahagi ng legislative process.
“Hopefully we can go to all provinces. Pero ’yon aim namin na pupunta kami sa lahat ng probinsya all over the country,” ayon pa kay Garafil.
“We want to go muna sa Luzon, Visayas, Mindanao. So, Mindanao, Butuan ’yon ang una naming nakikita where we can go,” dagdag ng lady lawyer House official.
Paliwanag din ni Garafil, ang LegisHear ay flagship initiative ni Speaker Dy at Majority Leader Sandro Marcos kasunod na rin nang matagumpay na pagdaraos ng Kamara ng nationwide consultations para sa proposed Anti-Political Dynasty Act.
“This is a program actually ni Speaker Bojie Dy at saka ni Majority Leader Sandro Marcos. As you can see mayroon tayong Bagong Kongreso na una nating narinig noong SONA,” sambit pa niya.
“So, this was actually inspired by the consultations we conducted when we were discussing the Anti-Political Dynasty Bill. Sabi nga ni Speaker kanina, pumunta kaming Luzon, Visayas, Mindanao and we conducted the consultation of all the stakeholders. Doon namin nakita na interesado ang mga tao pala to take part in drafting and bill consultation,” pahabol ni Garafil.
