UMAPELA si AGRI Partylist Rep. Manoy Wilbert Lee sa Department of Agriculture (DA) na protektahan at mabigyan ng kaukulang tulong ang hanay ng hog raisers sa bansa partikular sa pagkalugi bunsod ng planong pagpapatupad ng suggested retail price (SRP) sa karne ng baboy.
“Anumang polisiya na planong ipatupad para kontrolin ang presyo ng karne ng baboy ay hindi dapat ikalugi ng ating mga hog raisers. While efforts to make pork more affordable for consumers are necessary, they should not come at the expense of local hog raisers,” pahayag ni Lee.
“Bukod sa hindi dapat iasa sa importasyon ang pagbaba ng presyo, dapat mahigpit na bantayan at ipakulong ang mga mapagsamantalang smugglers, hoarders, price manipulators at mga kasabwat nila sa gobyerno na pumapatay sa kabuhayan ng marami nating mga kababayan,” dugtong ng kongresista.
Sa isang kalatas, nagbabala rin ang reelectionist partylist group laban sa pagtatakda ng price control nang walang kaukulang support mechanisms.
Giit ng Bicolano solon, dapat magpatupad ang DA ng hakbang na magbibigay proteksyon sa kabuhayan ng mga magbababoy at gayundin ang hinaing ng mga konsyumer sa umiiral na presyo sa mga pamilihan.
“Nasaan ang hustisya kung ang mga kababayan natin na mismong pinagmumulan ng ating pagkain ay walang maihain para sa kanilang pamilya? Our local food producers deserve better, so we should demand better for them,” ani Lee.
Nauna nang isinusulong ng AGRI Partylist sa Kamara ang mga panukalang batas na ang naglalayong mabigyan ng ibayong suporta ang local food producers at maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin kabilang na ang Kadiwa Agri-Food Terminal Act (House Bill 3957), Cheaper Rice Act (HB 9020) at Post-Harvest Facilities Support Act (HB 3958). (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
