SADYANG ginawa ang EDSA Busway para pabilisin ang biyahe ng mga commuters sa Metro Manila, ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon kasabay ng babala sa mga abusadong drayber na halos gawin nang terminal ang exclusive bus lane.
Bilang solusyon sa aniya’y bumabagal na daloy ng sasakyan sa EDSA Busway, inatasan ni Dizon ang mga traffic enforcers ng Department of Transportation (DOTr) na higpitan ang paghinto ng mga bus sa EDSA.
Para makasiguro, ibinahagi ni Kalihim ang umano’y pagkakabit ng timer sa mga loading and unloading stations sa EDSA Busway – bukod pa sa mga CCTV na nakamata 24-oras sa daloy ng trapiko sa exclusive bus lane.
“Masaya po akong nagrereport na 90% sa mga 45 second timers sa EDSA Busway stops ay umaandar na po,” ani Dizon.
Magtatalaga rin aniya ng mga enforcer ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa north at southbound station ng busway para tiyakin ang pagtalima ng mga bus driver sa 45-second lay-by.
“Yung mga enforcer po natin, dalawa po ang naka-istasyon sa bawat bus stop ng parehong north and southbound. Sila rin po ang nagmamando para i-remind ang ating mga bus drivers na dapat 45 seconds lamang ay umandar na sila para hindi tayo nate-tengga sa mga bus stops at nag-cause ng pag-build ng traffic,” paliwanag ng DOTr chief.
