KUMBINSIDO ang isang prominenteng kongresista na kapayapaan ang dala sa kaluluwa ng libo-libong biktima ng extrajudicial killings sa pag-aresto at napipintong paglilitis ng International Criminal Court (ICC) kay former President Rodrigo Duterte.
Paglalarawan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumayong lead chairman ng quad committee na nag-imbestiga sa malawakang patayan sa likod ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon, isang makasaysayang yugto ang pagdadala kay Duterte sa The Hague para harapin ang kasong crimes against humanity na isinampa sa International Criminal Court (ICC).
Umaasa rin si Barbers na unti-unting babalik ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya, kasabay ng babala sa iba pang abusado na walang sinisino ang batas kahit pa isang dating pangulo.
“Ito ay patunay na sa ating bansa, sa Bagong Pilipinas, na walang sinuman ang nasa ibabaw ng batas,” ayon kay Barbers. “Ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay isang hakbang tungo sa katarungan para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa EJK.”
Ayon sa Mindanaoan lawmaker, ang madugong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon, kasama ang utos na pataasin ang bilang ng mga operasyon at napatay, na nagbigay ng lakas ng loob sa hanay ng tagapagpatupad ng batas para talikuran ang sinumpaang “to serve and protect,” kapalit ng isang kultura ng takot, kawalan ng hustisya, at paglabag sa karapatang pantao.
“Sa halip na itaguyod ang hustisya, binuksan nito ang pintuan para sa culture of impunity sa hanay ng ating law enforcers, na isantabi ang batas at hustisya sa mga suspects pa lang, at pagpapatupad ng karahasan na nagdulot ng pagkamatay ng mga inosenteng mamamayan,” saad pa ni Barbers.
Dagdag niya, maaaring maging daan ang pag-arestong kay Duterte sa paghilom ng sugat sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. “Panahon na upang maghilom ang ating bansa. Ang unang hakbang sa paghilom ay ang pagkilala sa mga pagkakamali ng nakaraan at ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima.”
“Ang pag-aresto na ito ay hindi lamang tungkol sa isang tao,” giit ni Barbers. “Ito ay tungkol sa pagbabalik ng tiwala ng publiko sa ating sistema ng hustisya at sa pagtiyak na ang mga pang-aabuso, sa pangkasalukuyan man o noong sa nakaraan, ay hindi na mauulit.”
Binanggit din ng mambabatas na ang mga darating na linggo ay magiging kritikal sa pagpapakita ng pangako ng bansa sa karapatang pantao, hustisya, at rule of law, lalo na sa mata ng international community na tutok sa paglilitis kay Duterte sa ICC. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
