FAKE news. Ganito ang paglalarawan ni House Assistant Majority Leader at AKO BICOL partylist Rep. Jil Bongalon ang kumakalat na alegasyon hinggil sa umano’y pakikialam sa pondo para sa unang distrito ng lalawigan ng Albay.
Partikular na inalmahan ni Bongalon ang paratang ni Tabaco City Mayor Krisel Lagman, kasabay ng hamon suportahan ng ebidensya ang alegasyon. Kapwa kandidato sa posisyon ng kongresista sa unang distrito ng Albay sina Bongalon at Lagman.
Para kay Bongalon, malinaw na pulitika ang motibo ng alkalde laban sa kanya
“I, together with Cong. Zaldy (Co), have already issued the official statement about it. But in addition to that, in so far as I am concerned, unang-una, kung sino man yung nag-aakusa, yun po yung may burden of proof. Ibig sabihin, yun dapat yung may obligasyon na magpatunay,” wika ni Bongalon.
“Now, my question is, asan po yung kanyang ebidensya na ako po nakialam, nagtapyas, at nag-divert ng pondo para sa 1st District of Albay? In other words, wala hong basehan. It was a false accusation, and in fact, itong malicious accusation against me, sa anong rason? Probably, politika. Para siraan po tayo,” dagdag ng ranking House official.
Kinuwestiyon din ni Bongalon ang timing sa paglabas ng paratang sa kanya dahil ilang buwan na umano mula ng maisapubliko ang 2025 General Appropriations Act subalit ngayon lamang ginawa ang akusasyon.
“Marami na po siyang interviews na ginawa na kung saan lumipas na ang buwan ng Enero at by that time, alam na natin lumabas na yung General Appropriations Act. It was already uploaded before the official website of the Department of Budget and Management. Pero during those times, January, February, never naman na-mention yung pangalan ko,” saad pa niya.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat sana ay dumaan sa tamang proseso ang mga nagdududa sa badyet sa halip na maglabas ng mga paratang nang walang pruweba.
“Dapat nagsulat sana sila sa House leadership and ask ano po nangyari sa budget ng 1st District of Albay. Kumbaga, let’s do it through a proper channel. Don’t just accuse someone, several months have already elapsed, tapos babanggitin mo lang yung pangalan ko dahil magkalaban kami sa politika. I think that’s not fair,” mariing sabi ni Bongalon.
Paliwanag ng AKO BICOL lawmaker, ang badyet ay produkto ng deliberasyon sa pagitan ng Kamara at Senado, kaya’t imposible para sa isang mambabatas lamang na manipulahin ito.
“The budget was signed before the end of 2024, Congressman Edcel Lagman was still present. So bakit sinisisi sa akin, as in, at bigyan yung obligasyon para depensahan yung budget ng ibang kongresista?” tanong niya.
Mariin din itinanggi ni Bongalon na dapat siya ang nagdepensa sa badyet ng distrito, dahil nakatutok siya sa mga proyekto ng Ako Bicol partylist.
“The last time I checked, I am a representative of partylist Ako Bicol. Yung constituency ko, six provinces. At the last time I checked, meron pong Congressman sa 1st District of Albay,” aniya.
Kinondena niya ang umano’y smear campaign laban sa kanya bago ang eleksyon.
“So it means that, of course, election season, nagsisimula na naman yung siraan. That’s why I appeal to the one who wrote that statement na hindi man lang kinuha yung side ko. It was a one-sided news article na hindi man lang nag-effort na kunin yung akin pong panig,” aniya.
Hinamon ni Bongalon ang kanyang mga nag-aakusa na idulog ang usapin sa korte at patunayan ang kanilang paratang.
“That’s why I challenge her to go to the court and prove that Cong. Jil Bongalon diverted that particular fund,” ani Bongalon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
