HIGIT na kilalang mailap sa mga politiko ang mga nasa malayo, liblib at bulubunduking lugar sa gawing katimugan ng bansa – pero hindi ang mga katutubo sa bayan ng T’boli sa lalawigan ng South Cotabato.
Sa isang pambihirang pagkakataon, walang kahirap-hirap na nasungkit ni reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang suporta ng mga katutubo sa bayan na ipinangalan sa bansag sa tribo.
Sa bisa ng isang resolusyon na pinagtibay ng Sangguniang Bayan, pormal na iginawad kay Dela Rosa ang katangi-tanging pagkilala bilang “adopted son” ng munisipalidad ng T’boli, kasabay ng paggagawad ng bagong pangalan — Datu Kemlung na ang kahulugan ay “tagapagtanggol.”
Lubos naman ang pasasalamat ni Dela Rosa sa T’boli para sa malugod na pagtanggap sa kanya ng mga opisyal at mamamayan ng naturang lokalidad.
“Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman, pagpapasalamat at kaligayahan na inyo akong ginawang adopted son of T’Boli, at alam ko ang meaning ng aking pangalan, Datu Kemlung. Datu Kemlung means defender, protector. Very appropriate sa aking personality ang ibinigay niyong pangalan, Datu Kemlung,” ang pahayag pa ng Mindanaoan lawmaker.
“Huwag po kayong mag-alala, hindi po masasayang ang inyong pag-adopt sa akin. I will make you proud being your adopted son of the T’Boli Tribe,” diin ng senador.
Inihalintulad din ni Dela Rosa ang bagong bansag sa naging papel niya sa pagpapatupad ng giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
“Ako’y kini-criticize ng kabilang kampo na ako ay tumakbong pagka-senador with blood on my hands… ang sagot ko naman diyan, wala akong pakialam kung ang aking kamay ay nabahiran ng dugo basta ‘yan ay dugo ng mga taong masama at kung kailangan mabahiran ng dugo ang aking mga kamay para protektahan ang buhay ng matitino, mababait at law-abiding citizen, ‘di ba?,” dagdag ng dating chief ng Philippine National Police (PNP).
“Ano’ng gagawin ko? Nagpulis pa ako kung hindi ko kayang gawin yan? Huwag ka nang magpulis if you are not ready to die, if you are not ready to kill and be killed. Kailangan mo yan para magprotekta ng sarili mo, dapat ready kang magdepensa sa sarili mo. Useless kang pulis kung hindi mo kayang protektahan ang mga peace-loving people,” aniya pa.
Samantala, nagpahayag ng kalungkutan ang reelectionist senator sa tila nawalan ng saysay ang positibong naidulot sa palaban ng Duterte administration sa talamak na problema sa ilegal na droga.
“Nasasaktan ako sa nangyayari ngayon. Kahit kayo siguro ay napapansin na tumaas na naman ang krimen, dumami na naman ang droga, marami na po ang gumagamit ng droga. Malinaw, nasayang ang anim na taon na paghihirap ni President Duterte para mawala ang problema sa droga. Ngayon, paunti-unti na naman bumabalik,” ani Dela Rosa.
Samantala, nanawagan naman si Dela Rosa sa mga magulang na labis na mahalin ang kani-kanilang mga anak at paalalahanang mabuti na umiwas sa ilegal na droga.
Bilang hepe ng PNP, si Dela Rosa ang namuno sa all-out war on drugs kung saan hindi bababa sa 1.6 million drug users ang sumuko sa pamahalaan.
