HINDI bababa sa P272-milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Pantok, Binangonan, Rizal kagabi.
Batay sa post-operation report ng PDEA, ikinasa ang drug sting sa Rizal Cement Village, kung saan nadakip ang suspek na kinilala lang sa pangalang Ronald.
Narekober sa pag-iingat ng suspek ang 40 black gold foil packs na naglalaman ng kabuuang 40 kilo ng hinihinalang shabu.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, binigyang-pagkilala ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez ang drug law enforcement units sa matagumpay na operasyon. (LILY REYES)
