INARESTO ng mga ahente ng intelligence ng Land Transportation Office at police Anti-Cybercrime Group ang isang lalaking nagpakilalang LTO chief at nangingikil ng pera kapalit ng paglabas ng mga na-impound na colorum bus.
Kinilala ni LTO chair Vigor Mendoza II ang impostor na si Jeffrey Morong Mendoza, ng San Mateo, Rizal.
Nagpakilala umano ang suspect na LTO chief at kinausap ang mga may-ari ng na-impound na bus. Nabuking ang modus ni Mendoza nang makarating sa LTO ang ginagawa nito kung saan nangongolekta ng P250,000 kapalit ng paglabas ng mga na-impound na pampasaherong bus.
Sa tulong ng mga biktima ay ikinasa ang pagdakip sa suspect na nabatid pa na kinokontak nito ang mga biktima at hinihingan ng P250,000. Umaabot sa P1 milyon ang halaga ng multa na ipinapataw ng LTO sa mga nahuhuling colorum bus.
