HINDI pwedeng hindi tumalima ang Kamara sa kautusan ng Senado na tumatayong impeachment court na lilitis sa reklamong inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinukoy ni Senate President Francis Escudero ang desisyon ng Senate impeachment court na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment, kalakip ang dalawang kondisyon bago tuluyang simulan ang proseso.
Ayon kay Escudero, dapat isaisip ng mga kongresistang miyembro ng House prosecution panel na isa nang ganap na korte ang senado sa usapin ng impeachment case na kinakaharap ng bise-presidente.
“Sa parte ng impeachment, korte ang Senado, prosecutor ang Kamara. Wala sa lugar para sa akin ang Kamara na hindi sumunod sa pinag-uutos ng impeachment court,” wika ni Escudero.
Hindi rin aniya maaring ikumpara sa bicameral committee na kailangan ng pagsang-ayon ng magkabilang panig.
“Hindi ito parang bicam na kailangan namin mag-agree. Ito’y kautusan galing sa impeachment court na nakatuon sa prosecutor na isa lamang partido sa kaso. Hindi magkapantay ang partido at ang korte saan mang kaso saan mang parte ng mundo,” dagdag ni Escudero, kasabay ng giit na nais lamang ng Senate impeachment court na tiyakin walang paglabag sa konstitusyon kung saan aniya malinaw na nakasaad na isang beses lang kada taon pwede maghain ng impeachment case sa isang impeachable government official. (ESTONG REYES)
