MULING nanawagan sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa pamahalaan na mas higpitan ang pagbabantay sa pagbebenta sa menor de edad kabilang ang pagpupuslit ng produktong tabako at vape products matapos makatanggap ng Dirty Ashtray Award ang Pilipinas.
Sa pahayag, sinabi ng magkapatid na Cayetano na kailangan ang agarang aksiyon at pananagutan sa patakaran ng pamahalaan laban sa pagbebenta at pagbabantay sa pumapasok na produktong vape at tabako sa bansa.
Anila, kanilang inihain sa huling sesyon ng 19th Congress ang resulta ng Senate blue ribbon committee probe hinggil sa kontrobersiyal na paglahok ng Pilipinas sa 10th Conference of the Parties (COP10) ng World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC) sa Panama noong February 2024.
Ayon kay Senador Pia, kahiya-hiya para sa bansa ang pagtanggap ng “Dirty Ashtray Award,” isang simbolikong parusa na ibinibigay sa mga bansang pumapanig sa interes ng tobacco industry.
“It was reported, among others, that the Philippines sent a 34-person delegation to COP10, the largest from any government,” aniya. “This unusually large number remarkably outnumbered the delegation of some more populous countries such as China and Russia.”
Binanggit din niya ang mga kahina-hinalang aksyon ng ilang ahensya ng gobyerno, partikular ang Department of Trade and Industry (DTI) na lumampas sa kanilang kapangyarihan sa paglalabas ng karagdagang patakaran sa ilalim ng Vape Law.
Dahil dito, naantala ang pagtanggal ng mga vape products hindi sumusunod sa batas sa merkado.
“We recommend further investigation to determine whether this constitutes a usurpation of legislative powers,” sabi ni Senador Pia.
Dagdag pa niya, posibleng lumabag ang DTI sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa paulit-ulit nitong pagpapalawig ng compliance period para sa mga vape manufacturers.
“We therefore recommend the filing of appropriate charges against the responsible officials,” aniya.
Ipinunto rin niya ang posibilidad ng maling paggamit ng pondo ng gobyerno kaugnay ng biyahe sa COP10.
“We recommend that the Commission on Audit conduct a special audit of all expenses, whether public or private, related to this trip,” sabi ni Senador Pia.
Nanawagan din siya ng agarang pagbabago sa Republic Act 11900 o Vape Law. Ilan sa kanyang mga panawagan ay ang pagbabalik ng kapangyarihang mag-regulate sa Food and Drug Administration (FDA), pagtaas ng minimum age limit mula 18 papuntang 21 para sa mga pwedeng gumamit ng vape, at pagbawal sa iba’t ibang vape flavors maliban sa plain tobacco at menthol.
Sinuportahan naman ni Senador Alan ang panawagan ng kanyang kapatid. Aniya, hindi lang ito isyu ng kalusugan kundi isyu rin ng maayos at makatarungang patakaran sa bansa.
“I really campaigned also on the issue of vape and e-cigarettes… Much study is needed, delikado po talaga,” sabi niya.
“If you go to Hong Kong and Singapore, it’s a criminal offense. [Pero] sa atin parang ine-encourage pa nating lumaki ang industriya dito,” dagdag ni Senador Alan.
Kinondena rin ng magkapatid na Cayetano ang umano’y pang-aabuso ng tobacco industry sa mga butas sa batas at ang paggamit nito ng impluwensya para makabuo ng mga patakaran na pabor sa kanila.
“The industry is slimy. They repeatedly use delaying tactics and exploited regulatory loopholes to advance its interests at the expense of public health,” sabi ni Senator Pia.
“We owe it to the next generation to guard them against an industry that seeks to profit at the expense of their health and safety,” dagdag niya.
