AMINADO ang Philippine National Police (PNP) na malaking hamon ang paghahanap sa mga bangkay ng 34 na missing sabungero lalo na at malawak at malalim ang Taal lake.
Mismong si PNP Chief Gen. Nicolas Torre lll, ang umano’y mangunguna sa paghahanap sa 34 bangkay ng sabungero apat na taon na ang nakalipas.
Ito’y matapos ibulgar ng isang alyas “totoy” akusado at dating sekyu ng Manila Arena at tumatayong state witness na sa “Taal lake” umano inilibing ang mga bangkay.
Sa pahayag ni PNP spokesperson BGen. Jean Fajardo, gagamitin nila para muling buksan ang kaso ng 34 missing sabungero ang rebelasyon ng “whistle blower” na si alyas “Totoy”.
Ang pahayag umano ni Totoy ay welcome development para bigyan ng hustisya ang mga kaanak at mga biktima.
Dagdag ni Fajardo, makikipag-ugnayan ang PNP sa lumutang na testigo para kunan ng opisyal na pahayag.
Tiniyak din ng PNP ang seguridad ng testigo matapos handang magbigay ng police assistance.
Matatandaang anim na security guards ng Manila Arena ang sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero at December 15, 2023 nang payagan ang mga itong magpiyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
