SA isang pambihirang pagkakataon, nagtipon-tipon sa isang Congressional Forum on Regional Priorities ang mga mambabatas mula sa katimugang bahagi ng bansa.
Sa pangunguna ni Leyte Rep. Martin Romualdez, malayang tinalakay ng mga kongresista mula sa Regions X, XI at Caraga ang suliranin at mungkahi sa kani-kanilang distrito.
“This forum is more than a gathering of colleagues—it is a reflection of our commitment to listening, learning, and legislating for the people. We are united not just by party lines, but by our shared duty to uplift every Filipino,” wika ni Romualdez sa Congressional Forum na ginanap sa Almont Inland Resort sa Butuan City.
Kabilang sa mga dumalong kongresista ay mula sa Lakas-CMD, Nacionalista Party (NP), National Unity Party (NUP), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Liberal Party (LP), at isang independent, na ani Romualdez ay isang malinaw na senyales ng pagkakaisa ng mga mambabatas na binuklod ng isang adhikain — ang pagsusulong ng isang inklusibong programa para sa kaunlaran.
“We are here to listen. We are here to understand your realities, your aspirations, and your solutions. The 20th Congress is committed to being a partner in turning regional visions into national progress,” dagdag ni Romualdez na tumayong House Speaker sa ilalim ng 19th Congress
Dumalo rin sa pagtitipon sina dating Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, na muling nagpahayag ng suporta sa liderato ng Kamara, sa mga programang makakatulong sa pag-unlad ng mga distrito at sa pagtugon sa mga problema ng lipunan.
Ipinahayag naman ni Romualdez na planong paigtingin pa ng Kamara ang katulad na uri ng konsultasyon sa mga susunod na buwan upang mas pagtibayin ang kultura ng paglikha ng batas na nakabatay sa pakikinig, pagtugon, at aksyon.
Isa sa mga pangunahing tinalakay sa forum ay ang “House-to-House Agenda,” ang seven-point framework na magsisilbing gabay sa mga pangunahing panukalang batas na isusulong sa 20th Congress.
1. Seguridad sa Pagkain – Pagsuporta sa makabagong agrikultura at lokal na sistema ng pagkain.
2. Malinis na Tubig – Pagpapalawak ng imprastraktura para sa ligtas at sapat na suplay ng tubig lalo na sa mga liblib na lugar.
3. Mura at Matatag na Kuryente – Pagsusulong ng reporma sa enerhiya at rural electrification.
4. Maasahang Transportasyon – Pagpapalakas ng konektibidad sa pamamagitan ng kalsada, pantalan, at pampublikong transportasyon.
5. Napapanatiling Kabuhayan – Pagsuporta sa MSMEs, kooperatiba, at lokal na industriya para sa pangmatagalang trabaho.
6. Abot-kayang Serbisyong Pangkalusugan – Pagpapaigting ng serbisyo sa mga rural hospital at barangay health station.
7. De-kalidad na Edukasyon – Pagsuporta sa mga paaralan, guro, at digital learning platforms.
“Gobyernong may malasakit. Kongresong may puso. Sa pagkakaisa natin, walang maiiwan sa Bagong Pilipinas,” diin ni Romualdez sa mga dumalo.
Samantala, tiniyak ni Romualdez sa kanyang mga kapwa mambabatas na bukas ang liderato ng Kamara sa pagtulong upang maisakatuparan ang kani-kanilang mga adbokasiya at matiyak na ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan ay maisasama sa mga panukala at paglalaan ng pondo ng gobyerno.
Ang forum ay bahagi ng serye ng regional engagements ng House of Representatives na naglalayong ilapit ang proseso ng paggawa ng pambansang polisiya sa mga lokal na pamahalaan. Layunin nitong palakasin ang pagsusulong ng grassroots-driven legislation at tiyakin na ang mga lokal na prayoridad ay maayos na naiaangkop at naisasama sa national development agenda. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
