PATULOY na inoobserbahan sa isang pagamutan sa lalawigan ng Pangasinan ang 70-anyos na lalaki matapos saksakin ng bayaw na umano’y mahilig manakit sa asawa.
Sa ulat ng lokal na pulisya ng Mangaldan (Pangasinan), kinilala ang biktima sa pangalang Hirohito Sungcuan na bumiyahe pa mula sa Maynila para alamin ang kalagayan ng nakababatang kapatid na babae sa piling ng sadistang asawa.
Pero sa halip na pakinggan ang payo, inundayan ng saksak ng suspek ang biktima.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na ugali ng suspek saktan ang asawa sa harap ng maraming tao sa tuwing nalalango sa alak.
Sumuko sa pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide.
