SA halip na tumugis ng kriminal, dalawang pulis ang ipinasok sa kulungan matapos damputin ng mga kabaro kaugnay ng insidente ng nakawan sa isang establisyemento sa Mabalacat City, sa lalawigan ng Pampanga.
Sa ulat ng Mabalacat City Police Station, kapwa miyembro ng Pampanga Provincial Drug Enforcement Unit ang mga hindi pinangalanang pulis na nagsagawa umano ng pekeng operasyon kontra droga.
Bukod sa dalawang pulis, arestado rin ang isang sibilyan na kasama sa pagnanakaw sa Barangay Tabun noong Hulyo 16 ng kasalukuyang taon.
Sa imbestigasyon, dakong alas 10:00 ng gabi nang pwersahang pinasok ng mga suspek ang isang printing shop kung saan agad na iginapos ng cable strap ang mga biktimang pawang residente sa nabanggit na lugar.
Kwento ng mga biktima, agad na sinira ng mga suspek ang CCTV, at inakusahan umano silang sangkot sa ilegal na droga.
Matapos limasin ang mga mamahaling gamit — kabilang ang siyam na mamahaling smartphones, mabilis na tumakas sakay ng itim na Toyota Vios ang mga kawatan.
Gayunpaman, agad na itinawag ng mga biktima ang insidente sa lokal na pulisya na dali-dali namang nagsagawa ng follow-up operations. Ilang saglit pa, natagpuan ang abandonadong getaway vehicle sa Barangay San Vicente sa bayan ng Bamban, Tarlac.
Sa inspeksyon, nasamsam ang isang dokumentong nag-uugnay sa sasakyan sa mga miyembro ng Provincial Drug Enforcement Unit-Pampanga Police Provincial Office.
Sa bisa ng koordinasyon, nadakip ang dalawang tauhan ng Pampanga Provincial Drug Enforcement Unit. Nabawi rin ang mga ninakaw ng mga suspek.
Nakatakdang sampahan ng patong patong na kasong Robbery with Intimidation at Attempted Kidnapping sa Office of the Prosecutor, Mabalacat City, Pampanga, sa pamamagitan ng online inquest proceedings kay Fiscal Frederick Lagrada.
Sa isang pahayag ng Police Regional Office-3 (PRO3), tinuligsa ni Regional Director Police Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. ang mga suspek, kasabay ng garantiya sa matatag at walang kompromisong “internal cleansing program” ng PRO3.
“Hinding-hindi kinukunsinti ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng sinuman sa aming hanay,” wika ni Peñones Jr.
“Ang insidenteng ito ay nagpapalakas lamang sa aming determinasyon na linisin ang aming organisasyon ng mga tauhan at itaguyod ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at integridad.”
Binigyan-pagkilala rin ng heneral ang Mabalacat City Police Station sa mabilis at walang kinikilingan paghawak sa kaso.
Sasampahan rin a niya ng kasong administratibo ang dalawang pulis, kasama ang kanilang immediate supervisor. (LILY REYES)
