MAGKASABAY na isinagawa ng Tingog partylist group at tanggapan ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang relief operations sa mga binahang lugar sa Metro Manila at Rizal.
Batay sa impormasyong nakalap sa Kamara, nasa, 16,819 hot meals ang ipinamahagi ng Tingog sa mga flood victims katuwang ang iba’t-ibang lokal na opisyales at mga boluntaryo.
Kabilang sa mga lugar na pinuntahan ng Tingog ang mga binahang lugar sa Quezon City, Marikina, at Maynila sa NCR, gayundin sa Taytay at Rodriguez sa Rizal, sa tulong ng mga kinatawan ng distrito at local volunteers.
“These relief efforts are part of our commitment to deliver immediate assistance to communities in crisis. We thank our local partners and volunteers for working closely with us to ensure that help arrived without delay,” ani Tingog Rep. Andrew Romualdez.
Binigyang-diin naman ni Tingog Rep. Jude Acidre ang kahalagahan ng presensya ng pamahalaan sa panahon ng sakuna.
“Hindi lang pagkain ang hatid natin, ito ay pagkalinga at pagtitiyak na hindi sila nag-iisa. Sa panahon ng sakuna, kailangang maramdaman ng ating mga kababayan ang mabilis, maaasahan, at tapat na serbisyo mula sa pamahalaan,” ani Acidre.
Nangako ang Tingog na muling bibisitahin ang iba’t ibang evacuation centers upang maghatid ng tulong sa mga nasalanta nang pagbaha.
Sa Barangay Malanday, sa lungsod ng Marikina, umabot sa 989 pamilya o tinatayang 2,400 indibidwal ang lumikas. Namigay ang mga volunteer ng Tingog, katuwang ang mga local partners ng mainit na chicken sopas sa mga evacuees.
“Maraming naapektuhan at gutom ang pangunahing concern ng mga kababayan natin. Kaya minadali namin ang pagpadala ng hot meals, and this is just the start. Mas marami pa tayong relief missions sa darating na mga araw,” ani Rep. Romualdez, na nagsilbing Speaker ng 19th Congress.
Sa Quezon City, 766 na pamilya ang nasa evacuation center sa Bagong Silangan Elementary School matapos tumaas ang tubig-baha sa naturang bahagi ng lungsod. Nagsagawa ng pamamahagi ng mainit na pagkain noong Lunes ng gabi ang tanggapan ni Rep. Romualdez katuwang ang Tingog, si Quezon City Rep. Ralph Tulfo, at Barangay Councilor Jun Quizon.
Ayon kay Romualdez, ang hakbang ay patunay ng kanilang pagtutok sa mabilis at localized na pagtugon sa mga sakuna, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo, sunog, o baha.
“Hindi lang ito tungkulin ng gobyerno. Lahat tayo may papel, mula sa barangay hanggang sa Kongreso, hanggang sa ordinaryong mamamayan. We encourage everyone to help in any way they can,” dagdag ni Romualdez.
Samantala, sa Lungsod ng Maynila, nasalanta rin ang 120 pamilya sa Barangay 420, Zone 43, Nagtahan bunsod ng pagbaha at kasabay na insidente ng sunog.
Nagpaabot ng mga tasa ng mainit na lugaw ang Tingog sa mga evacuee, sa tulong ng koordinasyon nina Manila Rep. Giselle Maceda at Barangay Secretary Nimfa Domingo.
Agad na ipinadala ang mga relief team matapos makatanggap ng alerto mula sa mga partner barangay, sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at ng district offices nina Reps. Teodoro, Tulfo, at Maceda.
Hanggang nitong Lunes ng gabi, nananatiling lubog pa rin sa tubig ang maraming lugar sa Metro Manila, habang nananatili ang mga babala ng pagbaha sa iba’t ibang lungsod dahil sa patuloy na malakas na monsoon rains.
Ayon sa Tingog, marami pang ipamimigay na pagkain at relief packs para sa iba pang apektadong komunidad, lalo na sa mga lugar na tinukoy ng disaster officials na posibleng matagal pang lubog sa baha. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
