UPANG mapanindigan ng Kamara ang pagnanais ipagpatuloy ang pagsusulong ng pananagutan sa hanay ng mga opisyal at maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan, binigyan-diin ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na dapat buhayin muli ang House Quad Committee ngayong 20th Congress.
Ayon kay Adiong, ang aniya’y “House Quad Comm 2.0” ang magpapatuloy sa nasimulang imbestigasyon noong nakaraang Kongreso kung nabigyan ng boses ang mga nais patahimikin sa pamamagitan ng pananakot at political pressure.
“We need Quad Comm 2.0 because the fight for truth is not yet over. The people deserve to know what was hidden, who was protected, and why justice has been delayed for so long. We owe them closure, not cover-ups,” giit ni Adiong, isang lider ng binansagang “Young Guns” bloc sa Kamara.
Ang unang Quad Comm, na kinabibilangan ng mga komite ng Kamara sa Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts, ay binuo noong 2024 upang imbestigahan ang pangamba kaugnay ng pagdami ng krimen na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at ang umano’y ugnayan nito sa mga seryosong krimen, kalakalan ng iligal na droga, umano’y iligal na pagmamay-ari ng mga Chinese nationals ng lupa sa Pilipinas, at ang mga extrajudicial killings (EJKs) na may kaugnayan sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
Nauna nang nanawagan sina Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, at dating Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez na buhayin ang Quad Comm sa 20th Congress.
Nagbabala sila na hindi dapat hayaang tuluyang mabaon sa limot ang mga imbestigasyon sa mga pagpaslang kaugnay ng droga, mga sindikatong konektado sa China, at katiwalian sa pamahalaan.
Noong 19th Congress pinamunuan ni Abante, Barbers, at Fernandez ang mga Komite sa Human Rights, Dangerous Drugs, at Public Order and Safety, ayon sa pagkakasunod.
Unang inihain nina La Union Rep. Paolo Ortega V at Adiong—dalawang pangunahing miyembro ng House Young Guns—ang panawagan na buhayin muli ang Quad Comm.
Sa kabuuan, nakapagsagawa ang Quad Comm ng 15 pagdinig kung saan nabunyag ang nakakabahalang koneksyon sa pagitan ng mga sindikato, ahensya ng gobyerno, at mga kilalang personalidad.
Ngunit maraming tanong ang naiwan nang mapunta sa iba ang atensyon ng publiko, lumakas ang political pressure at nagsimula ang kampanya para sa May 2025 midterm elections.
“We were pulling at the threads of something deeper—systemic abuse, orchestrated cover-ups, and a culture of fear that infected our institutions,” ani Adiong.
Dagdag pa niya: “But just as the truth began to surface, efforts to derail the process intensified. Investigations were stalled. Political noise took over. Witnesses disappeared. What was left was an unfinished mission.”
Sinabi ni Adiong na sa pamamagitan ng Quad Comm 2.0, maipagpapatuloy ng Kamara ang pagganap sa oversight function nito hindi lamang sa mga indibidwal na paglabag kundi sa mga senyales ng bulok sa mga institusyon.
Ang layunin, aniya, ay ibalik ang pananagutan at palakasin ang mga demokratikong mekanismo ng check and balance.
“This is unfinished business. We must answer the questions that were never allowed to be fully asked. We must complete investigations that were deliberately cut short. And we must repair the damage done to our democratic institutions by years of silence, fear, and disinformation,” wika ni Adiong.
Dagdag niya, muling sisiyasatin ng pinagsanib na komite ang mga bagong lumilitaw na isyu kaugnay ng ilegal na droga, EJKs, kaayusang panlipunan, at korapsyon sa paggamit ng pondo ng bayan.
“This is not about vengeance. It’s about responsibility. We are not looking back to punish—we are looking back to prevent this from ever happening again,” sabi ni Adiong.
Binanggit niya na ang mga naunang ginawa ng Quad Comm ay nagsilbing pundasyon ng mahahalagang reporma at kamalayang-bayan, ngunit marami pa ang kailangang gawin.
“Truth does not expire. And justice, no matter how delayed, is still justice worth demanding. The Filipino people have waited long enough. It’s time to finish what we started.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
