DELUBYO ang sinapit ng mga mamamayan ng isang bayan sa lalawigan ng Occidental Mindoro matapos mawasak ng tuluyan ng mga nagdaang bagyo ang mga pananim ng mga magsasaka gayundin ang mga tindahan.
Ang resulta — kapos na sa supply ng pagkain para sa mga residente ng Mamburao.
Pag-amin ni Mamburao Mayor Glicerio Almero III, halos wala nang mabiling pagkain sa mga tindahan sa buong bayan.
“Ang request po namin, of course, yung pagkain kasi po talagang nagkakaubusan po dito. Sa ibang tindahan po ay wala nang mabili,” wika ng alkalde sa isang panayam sa radyo.
Hindi rin aniya halos makapaglayag ang mga barkong karaniwang nagdadala ng supply sa nasasakupang bayan dahil na rin sa malakas na hampas ng alon bunsod ng masamang panahon.
Panawagan ni Almero sa national government, tulungan ang Mamburao na makabangon mula sa matinding pinsala ng kalamidad.
