SWERTENG nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang 10 indibidwal na sakay ng isang bangkang lumubog sa karagatan malapit sa Sibale Island sa lalawigan ng Romblon.
Sa ulat ng lokal na pulisya, mabilis na nasagip ng mga mangingisdang nagkataong naglalayag nang mangyari ang insidente. Kabilang sa mga nailigtas ang isang alyas Bilyong na kapitan ng lumubog na bangka.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagmula sa Barangay Calabasahan ang bangkang tumatahak patungo sa Bansud, Oriental Mindoro.
Ani Bilyong, hindi na kinaya ng bangka ang malakas na hampas ng alon. Agad naman ibinalik sa Barangay Calabasahan ang mga nailigtas.
Ayon sa awtoridad, hindi dumaan sa proseso ang paglalayag ng lumubog na bangka. (EDWIN MORENO)
