PARA sa isang bagitong kongresista sa Kamara, dapat nang ipawalang-bisa ng pamilya Villar ang mahigit 100 joint venture agreements (JVA) na nasungkit ng PrimeWater Infrastructure Corp. sa mga water districts sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang pahayag, partikular na kinalampag ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos si dating Senador Cynthia Villar na una nang napaulat na nagsabing nais na ni former Senate President Manny Villar na bitawan ang kumpanya.
Ang dahilan — maliit lang umano ang isinasampang pera. Higit pa aniya sa kita, ginagamit din umano ang PrimeWater para siraan ang pamilya.
“Kung totoo nga na hindi na kumikita at pabigat na sa inyo ang mga kasunduang ito, wakasan na ngayon din. Bakit ninyo hinayaang magtiis ang mga Pilipino ng dekada-dekadang kakulangan sa tubig habang kayo ang may kontrol? Hindi kasinungalingan ang galit ng taumbayan—ito ay bunga ng kapabayaan, kasakiman, at kawalan ng pananagutan,” pahayag ni Santos na tumalo sa dating senador nito lamang nagdaang halalan.
Giit ni Santos, dapat panagutan ng PrimeWater ang kapalpakan sa serbisyo, gayundin ang sobrang taas ng singil sa mga tao.
“Ang tubig ay hindi negosyo para sa iilan—ito ay batayang karapatan ng tao. Bawat araw ng kakulangan sa serbisyo ay atake sa kalusugan, kabuhayan, at dangal ng tao,” dugtong ng mambabatas.
“Tama na ang monopolyo ng pangunahing serbisyo ng gobyerno ng mga taong inuuna ang kita kaysa kapakanan ng tao. Panahon na para unahin ang kapakanan ng bawat Pilipino,” aniya pa.
Sa huli, nanawagan si Santos sa Kamara na talupan ang PrimeWater Infrastructure Corp. sa bisa ng isang “congressional investigation in aid of legislation.”
