SA gitna ng isinasagawang deliberasyon ng Senado kung susundin o ipagkikibit-balikat lang ang desisyon ng Korte Suprema, nananatiling tikom ang bibig ng mga opisyales at kawani ng Office of the Vice President (OVP) sa kinaroroonan ni Vice President Sara Duterte.
“Let me verify that information, we’ll get back to you on that one,” tugon ni OVP Spokesperson Ruth Castelo nang tanungin ng mga mamamahayag nang tanungin kung nasaan si Duterte.
Nang muling tanungin kung matutuloy ang nakatakdang biyahe ni VP Sara sa Kuwait, “Let me verify that information, we’ll get back to you on that one”, sagot uli ni Castelo.
Kinumusta rin ng media ang lagay ni Duterte ngunit tinugon lamang ito ni Castelo ng, “We’ll get back to you on that before we end this conference.”
Tila paiwas din ang tugon ni Castelo nang tanungin ng isang reporter kung naririto lamang ba sa Pilipinas ang VP at sabihing, “Who knows she can just be right in the office, a few steps away. We’ll give you the answer later.”
Tiniyak naman ni Castelo na kahit bihirang makita ng publiko, aktibo pa rin si Duterte sa trabaho.
Aniya, ang pangalawang pangulo pa rin ang nag-aapruba sa mga proyekto at nilalaman ng press releases ng OVP.
Ayon naman kay Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, ang huling travel authority na inaprubahan para kay Duterte ay para sa kanyang biyahe sa The Hague at South Korea mula Hulyo 5 hanggang 28.
“Mayroon po tayong nabalitaan at ito ay natanong sa atin na meron daw balak ang bise presidente na pumunta sa Kuwait ng August 8 pero as we speak, wala pang nahain na request for travel authority and bise presidente,” ani Castro. (ESTONG REYES)
