ANG dapat sana’y masayang pagtitipon, nauwi sa pagdadalamhati matapos malaglag sa bangin ang sinasakyang dump truck sa bayan ng Lebak sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Sa inisyal na impormasyong pinadala sa punong himpilan ng pambansang pulisya, walo katao ang kumpirmadong nasawi habang nasa kritikal na kondisyon naman ang 13 iba pa.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nangyari ang insidente dakong alas 5:30 Miyerkules ng hapon sa Barangay Christianuevo matapos ang pagdalo sa “Muslim prenuptial gathering” na dinaluhan ng mga biktimang pawang residente ng Barangay Senditan.
Base sa salaysay ng isa sa mga malubhang nasugatan, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng dumptruck nang subukan iwasan ang mga roadblock sa Highway 70.
Kwento ng isang saksi, agad na dumating ang rescue team sa lugar ng pinangyarihan para isugod sa ospital ang mga biktima. Gayunpaman, hindi na umabot pang buhay ang walo sa 21 sakay ng dump truck.
