NI LILY REYES
PARA kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, perwisyo ang dulot ng mga palpak na flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nasasakupang lungsod.
Sa isang kalatas, kinalampag ni Belmonte ang DPWH para tanggalin sa lalong madaling panahon ang mga proyektong aniya’y hindi na nga epektibo, nagdudulot pa ng perwisyo sa Quezon City.
Isa sa mga tinukoy ng alkalde ang Matalahib Creek Pumping Station sa Barangay Talayan na umano’y itinayo ng DPWH nang wala man lang koordinasyon sa lokal na pamahalaan.
Sa pag-aaral ng Quezon City Department of Engineering, lumalabas na binarahan ng istruktura ang daloy ng tubig sa sapa mula sa mga barangay patungo sa San Juan River – dahilan ng ng pagbaha sa Barangay Talayan at sa mga karatig ng komunidad.
Ayon sa alkalde, hayagan din umanong nilabag ng DPWH na nakabase sa National Capital Region ang Project Coordination Ordinance ng lungsod.
Ito rin aniya ang nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar lalo na sa naturang barangay.
Sa pag-aaral ng Quezon City Department of Engineering, ang Matalahib Creek Pumping Station ay itinayo ng DPWH sa “non-building area” na labag sa Water Code at Civil Code — partikular sa probisyong nagtatakda ng “easement of waterways.”
Ayon kay Belmonte, batid ng DPWH ang problema sa simula pa lang ng proyekto. Katunayan aniya, pormal na lumiham ang Infrastructure Committee ng lokal na pamahalaan sa naturang ahensya upang ihayag ang pagkontra sa naturang proyekto.
Batay sa isinagawang Hydraulic Analysis, sanhi ng pagbabaha sa District 1 ang nasabing proyekto na naranasan noong Hunyo 2025.
Rekomendasyon ng lokal na pamahalaan sa DPWH, ilaan ang nalalabing pondo ng P250-milyong alokasyon sa pagpapatayo ng detention basin na may kapasidad sumalo ng 65,400 metro kubiko ng tubig baha alinsunod sa Quezon City Drainage Master Plan.
