NI ITOH SON
SA halip na eroplano, sasakyan patungo sa kalaboso ang byahe ng dalawang Tsino matapos mabuking na peke ang exit clearance na pinrisinta sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat ng Bureau of Immigration (BI), kinilala ang dalawang dayuhan sa pangalang Li Jiangcheng, 29 anyos at Liao Weibin, 39 taong gulang na kapwa patungo sana sa bansang Singapore.
Nang rebisahin ang database ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), lumalabas na kapwa “overstaying” na sa Pilipinas ang dalawang dayuhang Tsino.
Ayon sa datos, si Li ay nag-overstaying mula noong 2022 pagkatapos magtrabaho sa isang kumpanya sa bansa. Samantala, dating nagtatrabaho si Liao sa isang trading corporation, ngunit nabigong i-update ang kanyang visa mula noong 2023.
Ikinasa na rin ng pamunuan ng kawanihan ang isang imbestigasyon na naglalayong alamin kung may BI personnel na tumulong sa pagkuha ng mga pekeng dokumento ng nasabing mga dayuhan.
Parehong ibinalik sina Li at Liao sa border control at intelligence unit ng BI, at nahaharap sa mga kasong deportasyon dahil sa paglabag sa mga batas sa Philippine immigration laws.
