NI EDWIN MORENO
SA kabila ng agresibong kampanya ng pamahalaan laban sa mga Chinese nationals sa likod ng online scam, patuloy ang operasyon ng mga sindikatong gumagamit ng mga Pinoy sa panloloko.
Sa operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), 14 katao ang arestado matapos salakayin ang isang establisyemento sa Barangay Tambo sa lungsod ng Parañaque kahapon.
Ayon sa imbestigasyon, ginagamit ng grupo ang “Telegram App” sa “recruitment” ng mga Pinoy na nais rumaket para madagdagan ang kita.
Modus ng grupo, binibigyan umano ng 600 accounts na may kalakip na “URL link” ang bawat biktima. Sa sandaling buksan ang link, bibigyan umano ng “simple online task” ang mga na-recruit — i-like lang ang hotel packages.
Pagkatapos i-like ang link, ine-engganyo umano ang mga biktima gumawa ng Binance cryptocurrency account at maglagak ng pera sa account na kontrolado ng hindi pinangalanang babaeng Chinese na manager ng operasyon.
Sa halip na kumita, naglalaho ang umano ang pera ng biktima.
