HINDI na kailangan hapitin ng mga tsuper ng mga pampasadang dyip at tricycle ang mga pasahero para lang sumapat ang kita sa pang araw-araw na pangangailangan tulad ng bigas.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez matapos magkasundo ang Department of Agriculture (DA) at Department of Transportation (DOTr) na gawing benepisyaryo ng programang “Benteng Bigas Meron Na” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hanay ng mga jeepney at tricycle drivers.
“Sa tulong ng Department of Agriculture at ng Kadiwa ng Pangulo, makakahinga na nang maluwag ang ating mga tsuper at makakapag-uwi ng mura at de-kalidad na bigas para sa kanilang mga mahal sa buhay,” wika ni Romualdez sa isang pahayag.
“The inclusion of jeepney and tricycle drivers among the beneficiaries of the Department of Agriculture’s Benteng Bigas Meron Na program, is timely and welcome relief for workers in the transport sector amid successive fuel price hikes,” dugtong ng lider ng Kamara.
“Expanding the program—which provides affordable rice to priority sectors—demonstrates President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.’s compassion and determination to deliver essential government services to those in greatest need,” dagdag niya.
Pag-amin ni Romualdez, lubhang apektado ang mga jeepney at tricycle driver sa magkakasunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo — “Madalas silang nag-aalala kung paano pagkakasyahin ang kanilang kita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.”
Pinuri rin ni Romualdez ang ipinamalas na malasakit ng dalawang ahensya.
“Yan ay isang klase ng lingkod-bayan sa ilalim ng Marcos administration… mga programang damang-dama ng ating mga kababayan dahil maingat na pinag-isipan at tunay na makakatulong upang mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino.”
Ibinahagi rin ni Romualdez ang nalalapit na pag-arangkada ng BBM program para sa hanay ng mga tsuper sa limang pilot areas pagsapit ng Setyembre 16 para sa sektor ng mga tsuper.
Sa ilalim ng kasunduan ng dalawang kagawaran, maaaring bumili ang mga tukoy na benepisyaryo ng hanggang 10 kilo ng bigas kada buwan sa alinman sa 212 Kadiwa ng Pangulo outlets at accredited sites ng local government offices.
Sa kasalukuyan, ang murang bigas ay binebenta lang sa hanay ng mga rice farmers, fisherfolk, minimum wage earners, senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at mga beneficiary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) partikular sa 4Ps at Walang Gutom program ng naturang departamento.
Target umano ng DA na magbigay agapay sa 15 million pamilyang Pilipino o katumbas ng 60 million katao. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
