KUMBINSIDO si House Speaker Martin Romualdez na malaking bentahe ang pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) sa pribadong sektor, partikular sa Security Bank Foundation Inc. (SBFI) at Security Bank Corporation (SBC), para sa kasanayan ng mga public school principal.
Sa isang kalatas, naghayag ng suporta si Romualdez sa private partnership ng Education department sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara, sa layunin na rin na makapagbigay ng de kalidad na edukasyon sa mga batang Pilipino.
Para kay Romualdez, mainam na magkaroon ang public school principals ng advanced leadership at management skills, na maisasalin sa mga guro at sa gayon ay mas mabilis matuto ang mga estudyante.
“This is a critical collaboration between government and the private sector to transform our education system. Our principals serve as frontline leaders of teachers and stewards of students, and empowering them means empowering the future of our children,” wika ni Romualdez.
“Napakahalaga ng ganitong pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang baguhin at paunlarin ang ating edukasyon. Kapag pinalakas natin ang kakayahan ng ating mga punong-guro, mas mapapalakas din natin ang kinabukasan ng ating mga kabataan,” dagdag pa ng Leyte congressman.
Kaya naman pinapurihan ng House Speaker si Secretary Angara sa pagsusulong ng mga inisyatbong nakatuon din sa mga direktiba at hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang pagpapalakas ng Public-Private Partnership programs para sa pagkakaroon ng advance quality education.
“Secretary Angara’s proactive leadership in forging this partnership shows his strong commitment to the President’s vision of an education system that is modern, inclusive, and responsive to the needs of our learners,” sambit pa ni Romualdez.
Nauna rito, lumagda sa isang memorandum of agreement ang DepEd, SBFI at SBC para sa pagpapalawak ng Mentoring Future Leaders for Nation-Building Program ng una kung saan nakapaloob din dito ang suporta ng dalawang private entities sa school infrastructure projects ng pamahalaan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Nabatid na nasa 29 school principals mula sa magkakaibang lugar ang naging bahagi ng mentoring program, na tatakbo sa loob ng tatlong taon sa pakikipag-ugnayan na rin ng Ateneo de Manila University, De La Salle Philippines, University of Bristol sa United Kingdom, at ang HEAD Foundation ng Singapore.
Ipinabatid din na ang Security Bank ay nagpaluwal ng P1.9 billion para sa education sector ng bansa, na kinapapalooban ng P237 million noong 2024. Ang flagship “Build a School, Build a Nation Program” nito ay nakapagpagawa ng 845 classrooms sa 145 schools mula noong 2011, nakapag paayos ng 449 classrooms, tinugunan ang pagsasanay ng mahigit 36,000 guro, at nakapagturo sa mahigit 170 school principals sa buong bansa.
“Collaborations like these are worthwhile investments to upgrade the competence of our school principals as leaders and managers, enabling them to cascade these skills to their teachers and ultimately to our learners,” tugon naman ni Romualdez.
Panawagan ng lider ng Kamara sa iba pang private organizations, makipagtulungan sa pamahalaan upang mapatatag ang sistema ng edukasyon ng bansa.
“The House is united with the President in building a Bagong Pilipinas where every Filipino learner has access to quality education. This is central to our vision of producing a generation of Filipinos who are equipped to lead, innovate, and contribute to the country’s progress,” diin pa ni Romualdez.
“Ang edukasyon ang susi sa isang Bagong Pilipinas. Buo ang suporta ng Mababang Kapulungan upang matiyak na bawat pamilyang Pilipino ay may pagkakataon sa magandang kinabukasan sa pamamagitan ng de-kalidad na edukasyon,” pagtatapos niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
