
DALAWANG linggo matapos ang paglulunsad ng pinakamalaking kilos protesta laban sa korapsyon, apat na lider-aktibista ang pinadalhan ng subpoena ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ito ang kinumpirma ni CIDG-Information Chief Major Helen Dela Cruz sa ginanap na pulong balitaan sa Kampo Crame kanina.
Aniya, natukoy ang apat na hindi pinangalanang lider-aktibista batay sa mga salaysay ng mga kabataang inaresto ng kapulisan matapos sumiklab ang karahasan sa kilos-protesta sa Mendiola sa lungsod ng Maynila noong ika-21 ng Setyembre.
Kabilang rin sinisilip ng CIDG ang anila’y mapangahas na vlogs at post sa social media.
Pag-amin ni Dela Cruz, pasok na sa kategorya bilang “persons of interest” ang apat na aktibista.
Gayunpaman, nilinaw ng tagapagsalita ng CIDG na patuloy ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng pinaghugutan ng pondong umano’y ibinayad sa mga sumama sa kilos-protesta para manggulo.
Sa tanong naman kung malaking personalidad ba ang apat, sinabi ni Dela Cruz na maituturing silang malaking personalidad dahil mayroon silang “followers”. (EDWIN MORENO)