TULAD ng inaasahan, pasok na ang pangalan ni Justice Secretary Crispin Remulla sa talaan ng pitong posibleng maluklok sa posisyon ng Ombudsman.
Sa isang kalatas, kinumpirma rin ni Atty. Camille Ting na tumatayong tagapagsalita ng Korte Suprema na naisumite na ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Office of the President ang shortlist ng mga nominado.
Samantala, tiniyak naman ni Remulla na patuloy na tututukan ang trabaho hanggang sa huling sandali ng mandato bilang Kalihim ng Department of Justice.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, Ombudsman ang punong-abala sa paghimay ng mga kaso ng katiwalian sa pamahalaan.
Bukod kay Remulla, kasama rin sa Final 7 sina former Commission on Audit Chairperson Michael Aguinaldo, retired Court of Appeals Associate Justice Stephen Cruz, SC Associate Justice Samuel Gaerlan, Deputy Executive Secretary Anna Liza Logan, retired Supreme Court Associate Justice Mario Lopez at Sandiganbayan Associate Justice Michael Frederick Musngi.
Sa kaugnay na balita, iniligwak ni Senador Imee Marcos na pawang pormalidad na lang umano ang Final 7.
Katunayan aniya, kasado na paghirang sa DOJ chief sa Lunes.
“Sa Lunes, nakatakdang hirangin si Boying Remulla bilang Ombudsman,” ani Senador Imee, kasabay ng pasaring sa aniya’y kalapastanganan sa sandaling tuluyang iluklok ng Pangulo ang DOJ chief.
“Tunay ngang kulay itim pa rin ang kulay ng bayan; nagluluksa, nababalot ng pangamba at kawalan ng pag-asa sapagkat ang huling bantayog ng pananagutan ay pinilit wasakin ng pulitika at kalapastanganan sa Konstitusyon.
“Isang sapilitang pagtatalaga ng taong hindi karapat-dapat, may mga nakabinbin na kaso at may bahid ng kawalang-hustisya. Iligtas mo ang iyong bayan, Panginoon,” pahayag ni Sen. Imee. (ESTONG REYES)
