ISA pang babaeng suspek ang sumuko sa mga awtoridad sa brutal na pagpaslang sa policewoman na si Sr. Master Sgt Diane Marie Mollenido at sa 8-anyos na anak na si Ysmael, nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), ang sumukong suspek na kapatid ng misis ng na-dismiss na pulis na unang inaresto ay kasama umano sa pagbabalot ng mga bangkay at paglilinis sa crime scene.
“Hindi na po kasi kaya ng konsensya ko,” pahayag ng suspek sa kanyang pagsuko.
Una nang naaresto ang dating car agent na si Pia Katrina at mister na dating pulis na si Christian Panganiban, kasama ang driver na Gil Valdemoro Dy Jr., 41, na umamin sa krimen.
Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang dating asawa ng policewoman na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido matapos ituro umano ng car dealer na may kaugnayan din sa pamamaslang.
Enero 29 nang natagpuan ang bangkay ng batang si Ysmael sa isang taniman ng kalamansi sa Victoria, Tarlac.
Nauna rito, noong Enero 24, natagpuan namang wala nang buhay si Diane sa isang sapa sa Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo.
Batay sa paunang imbestigasyon nagtungo ang mag-ina sa Quezon City upang makipagkita sa isang car agent kaugnay ng bentahan ng sasakyan.
Napag-alaman na ang naturang car agent ay inaanak ni Diane.
Pinasok ng mga awtoridad sa bisa ng search warrant ang bahay ng car agent sa Quezon City, kung saan huling nakitang buhay ang pulis.
Doon ay nakakita ng mga bakas ng dugo, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa krimen. (LILY REYES)
