NO show sa mediation ang dalawang miyembro ng Kamara sa isinagawang paghaharap sa Office of the City Prosecutor para sa inihaing reklamong cyberlibel laban kay suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga
Tanging mga abogado lamang ni Barzaga at Manila 2nd District Rep. Rolan Valeriano ang sumipot sa patawag ng piskalya kaugnay ng kasong nag-ugat sa Facebook post ng bagitong congressman laban sa mga miyembro ng National Unity Party (NUP) na kinabibilangan ng Manila solon.
Layon ng mediation tingnan muna kung mareresolba ang usapin ng dalawang panig bago pa mauwi sa tuluyang pagsasampa ng kaso sa korte.
Ayon kay Atty. Denison De Silva na tumatayong abogado ni Valeriano, bukas ang kampo ng Manila congressman sa public apology o danyos kapalit ng pag-urong ng reklamo laban sa suspendidong kongresista.
Pagkatapos ng pulong, tumanggi na ang magkabilang kampo magbigay ng detalye sa kinalabasan ng pag-uusap kaugnay ng kaso.
Wala rin paliwanag ang mga abogado ng nagreklamo at inireklamo sa hindi pagsipot ng mga kongresista. (JULIET PACOT)
