PALAISIPAN sa mga pangkaraniwang mamamayan ang motibo ng Office of the Ombudsman sa likod ng ikinasang imbestigasyon hinggil sa umano’y P805-bilyon flood control kotong na inihatid ng 18 dating sundalo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Una nang inihayag ng Ombudsman ang agarang pag-arangkada ng pagsusuri sa mga pasabog ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines laban sa Pangulo, gayundin kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Partikular na hihimayin ng Ombudsman ang mga umano’y ebidensyang nakapaloob sa mga salaysay na isinumite ng 18 sundalong nagpakilalang mga tauhan ni former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Garantiya ng Ombudsman sa publiko, magiging patas at propesyonal ang kanilang pagtrato at aksyon gagawin sa natanggap na mga affidavits.
Ang nangasiwa sa notaryo ng mga testimonya, isang Atty. Levito Baligod — ang abogadong nagligwak sa panibagong eskandalo laban sa Pangulo.
Base sa sinumpaang salaysay ng mga dating sundalo, sila mismo ang naghatid ng male-maletang pera kay Marcos, Romualdez at iba pang opisyales ng pamahalaan, alinsunod sa utos ni Co. (JULIET PACOT)
