WALANG kinikilalang estado ang batas, kesehodang bilyonaryo. Ito ang giit ng Department of Justice (DOJ) kasunod ng anunsyo sa anila’y pag-arangkada ng preliminary investigation sa reklamong inihain laban kay former Senate President Manny Villar.
Partikular na tinukoy ng DOJ ang reklamo ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban kay Villar at mga corporate officials ng Villar Land Holdings Corporation.
Ayon sa DOJ, itinakda ang preliminary investigation sa Marso 16, 2026 matapos mag-isyu ng subpoena noong Lunes.
Sinampahan ng kasong kriminal ng SEC ang mga opisyal ng Villar Land at iba pang mga may kasapakat sa likod ng umano’y market manipulation, insider trading at hindi tamang disclosures na lumikha ng pagtaas ng halaga ng shares ng kompanya.
Batay sa 2024 financial statements ng Villar Land, mayroon silang P1.33-trillion total assets at net income na halos P100 billion pero lumabas sa pagsusuri na nasa P35.7 billion lamang ang total assets ng kompanya.
Respondents sa reklamo si Villar Land chair at dating senador Manny Villar, kabiyak na si former Senator Cynthia Villar, Senator Camille Villar at Mark Villar, director na sina Cynthia Javarez, Manuel Paolo Villar, at independent directors na sina Ana Marie Pagsibigan at Garth Castañeda.
Una nang itinanggi ni Manny Villar ang mga alegasyon. (JULIET PACOT)
