HINDI na itinuloy ng korte ang pagdinig sa kasong terrorism na isinampa laban kay dating Negros Oriental Rep. Arnie Teves matapos bulabugin ng isang bomb threat ang Quezon City Hall of Justice.
Ayon kay Ferdinand Topacio na tumatayong abogado ni Teves, dakong alas 8:00 ng umaga nang magpatupad ng forced evacuation para tiyakin ang kaligtasan ng mga tao sa naturang gusali.
Ang dahilan — isang bomb threat.
Batay sa impormasyon na nakalap ng Saksi Pinas, isang clerk-in-charge ang nakatanggap ng tawag hinggil sa umano’y bombang iniwan sa Quezon City Hall of Justice — bagay na agad ipinagbigay-alam sa lokal na pulisya.
Ilang saglit pa, dumating ang mga operatiba ng Quezon City Police District – Explosive Ordnance Disposal Unit na agad nagsagawa ng “paneling and sweeping operations” sa buong bulwagan ng katarungan.
Gayunpaman, walang nahanap na bomba o anumang mapanganib na kagamitan sa nasabing gusali.
Samantala, itinakda ng Quezon City regional trial court sa Marso 4 ang pagdinig kay Teves na itinuturong mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo sa Pamplona noong 2023. (LILY REYES)
