MATAPOS ang matagumpay na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Parañaque City kamakailan, pormal nang sinampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) ang tatlong dayuhan na nagbebenta ng pekeng gamot sa bansa.
Sa isinagawang inquest proceedings, kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 ang isinampa laban sa mga suspek na pawang Pakitani — sina alyas Waseem, Mohy at Salman na pawang residente ng Barangay Sun Valley, Parañaque City.
Base sa ulat ng PDEA, ang tatlong dayuhan ay nahuli sa buy-operation ng PDEA noong Linggo.
Narekober sa pag-iingat ng tatlong dayuhan ang gamot na pampakalma at Ibuprofen Medicol Advance, Rabies Vaccine (Human I.P.), Buscogast, Tuseran Evitek Forte, na pawang sinuri at napag-alamang pekeng gamot (JULIET PACOT)
