ARESTADO ang 23-anyos na Malaysian national matapos tangkaing ipuslit ang mahigit P112-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Customs Inspection Area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA)Terminal 1.
Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), bandang tanghali nang dakpin ang 23-anyos na suspek na si alyas na Yap, matapos mabisto ang mga drogang nakatago sa loob ng kanyang bagahe sa joint interdiction operation na pinangunahan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), sa Customs Inspection Area sa naturang paliparan.
Sa isinagawang inspeksyon sa bagahe ng dayuhang mula pa sa Kuala Lumpur, natuklasan ang drogang ikinubli sa wooden wine box na nakabalot sa bubble packaging.
Matapos ang imbentaryo, humigit-kumulang 16,526 gramo ng hinihinalang shabu (katumbas ng P112 milyon) ang sinamsam ng mga operatiba.
Nahaharap naman ang suspek sa sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act 9165, na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (LILY REYES)
