KUNG walang itinatago, bakit hindi isinapubliko? Ito ang giit ng tatlong abogado matapos magsampa ng petition for mandamus na humihiling sa Korte Suprema obligahin ang Senado ilabas ang draft committee sa flood control scandal.
Sa petisyon na inihain nina Atty. Marvin Aceron, Sikini Labastilla at Purificacion Bartolome-Bernabe, partikular na tinukoy ang kontrobersyal na resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang flood control projects na kinasasangkutan ng mga mambabatas mula sa mataas na kapulungan ng kongreso.
Una nang tinabla ng Senate Blue Ribbon Committee ang kahilingan ng tatlong abogado na ilabas ang partial committee report.
Sa naturang draft report, kinumpirma ni Senador Panfilo Lacson na nirekomenda ang pagsasampa ng kasong plunder laban sa ilang incumbent senators batay sa testimonya at documentary evidence na nakalap sa pagdinig.
Hirit ng mga petitioner sa Korte Suprema, agad maglabas ng Temporary Restraining Order at/o Status Quo Ante Order na nag-aatas sa Senado at Senate Blue Ribbon Committee na ipreserba ang draft report, huwag sirain, baguhin, o irebisa ang lahat ng version ng draft partial committee report na nilagdaan nina Senador Miguel Zubiri, JV Ejercito at Sherwin Gatchalian. (JULIET PACOT)
