PIHADONG madidiin sa flood control scandal si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan matapos matukoy ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kumpanyang pinasukan ng daan-bilyong kickback.
Partikular na tinukoy ng AMLC ang MBB Global Properties Corp. kung saan tumatayong corporate treasurer ang isang Fatima Gay Bonoan-Dela Cruz — anak na babae ni Bonoan.
Sa kainitan ng usapin ng flood control scandal, una nang isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson ang MBB Global Properties Corp., pagmamay-ari ni Candaba Mayor Rene Maglanque, Bonoan at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at Bonoan.
“Kaya nga MBB ang kumpanya… mga initials nila yan,” wika ni Lacson.
Bukod sa MBB, sinisilip din ang AMLC ang Globalcrete Builders ng pamilya Maglaque na nakasungkit ng P2.195 bilyong halaga ng flood control contracts.
“It is possible that MBB was used as a conduit or channel of funds for the payment received by Globalcrete from over P2-billion worth of flood control projects awarded to them from 2023 to 2024,” saad sa isang bahagi ng report ng AMLC.
Inaprubahan ng Court of Appeals (CA) ang hirit na freeze order sa assets ng Globalcrete at MBB na kinabibilangan ng 9 na bank account ng Globalcrete, at isang bank account ng MBB.
Ipina-freeze din ng CA ang limang sasakyan ng Globalcrete, kabilang ang isang limousine.
Frozen na rin ang assets ng mag-amang Bonoan matapos mabisto ang paglipat ng pondo sa kanilang mga account.
