NAG-UUMAPAW na ebidensya ang batayan ng mga kongresista para ideklarang “sufficient in form and substance” ang mga impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang giit ng dalawang prominenteng mambabatas sa pag-usad sa House Justice Committee ng reklamong naglalayong patalsikin sa pwesto ang pangalawang pangulo, alinsunod sa prosesong itinakda sa ilalim ng 1987 Constitution.
Sa magkahiwalay na pahayag nina committee chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na tumatayong tagapamuno ng House Committee on Good Government and Public Accountability, mariing itinanggi ang alegasyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco.
Ayon kay Tiangco, may naganap na suhulan sa botohan para ganap na ideklarang “sufficient in form and substance” ang reklamo laban sa pangalawang pangulo.
“Ano daw kapalit? Wala akong alam na kapalit. I’ve been working on this, I feel the obligation to…be able to come up with an orderly proceeding, an organized proceeding, and of course a decision which will be acceptable to the people. A decision which can be justified based on the evidence presented,” iritableng pahayag ni Luistro.
“I don’t know anything na tinutukoy ni Cong. Toby Tiangco na kapalit ng aming nagiging judgment, decision or position with regard to this impeachment complaint. For me, of course I cannot speak for others, but for me, talagang I see this as my constitutional duty that I should be able to discharge,” dagdag ng lady legislator.
Sa panig ni Chua, sinabi niyang “hindi ko alam kung saan nanggagaling ‘yung allegation ni Cong. Toby.
“But just the same…umuusad pa rin po itong impeachment complaint. So, nakita naman po ninyo ‘yung botohan. So ang mga congressman naman po, they will vote based on their conscience, based on evidence,” saad pa niya.
Giit ni Chua, lahat ng tinalakay ng Justice committee ay suportado ng mga ebidensya at nasaksihan naman aniya ng taumbayan lalo pa’t naka-livestream ang kaganapan sa Kongreso.
Kabilang sa mga aniya sa mga sinuri ang sinasabing maling paggamit ng bise presidente sa P612.5 million confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
“Lahat naman po ng iprinisenta is backed by evidence at saksi naman dito ang taong bayan, marami naman po nakapanood. So ‘yung mga isyu na hanggang ngayon na mga katanungan, sila ‘yung Mary Grace Piattos, hanggang ngayon hindi pa rin mahanap kung nasaan,” paglalahad pa ni Chua.
“Yung question na P1-million safe house na nirentahan, hanggang ngayon hindi pa rin malaman kung nasaan. ‘Yung testimonya po, ng mga AFP personnel na sinasabi nila were asked to certify that funds were downloaded to youth summit, but in truth wala naman po talagang pondo na na-download,” sambit din niya.
Para kay Chua, hindi dapat palampasin ni Duterte ang impeachment process na magbibigay ng pagkakataon linisin ang kanyang pangalan alinsunod sa proseso.
“Yung impeachment process, it is a test of character and conduct of a public official. Now, you are going to run come 2028. Hindi ba mas maganda, once you are acquitted, tatakbo ka na wala kang extra baggage. And this is actually the right opportunity for her to clear her name. Pagtakbo niya at least kung anumang ibato sa kanya, malinis ang kanyang pangalan. Keysa ‘yung tumatakbo ka na meron kang mga issues na kagaya po nito,” bulalas ng kongresista.
