WALANG anumang indikasyon ng foul play sa likod ng pagpanaw ng 15-anyos na dalagang natagpuang nakabigti sa loob ng isang pribadong compound sa Barangay Santolan sa Pasig City.
Sa isang pulong-balitaan, partikular na tinukoy ni Major Loreto Tigno na tumatayong deputy chief for operations ng Pasig City Police Station ang aniya’y pagpapatiwakal ni Isabelle Sophia Tablate na huling nakitang buhay noong Marso 18 sa nabanggit na barangay.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas aniyang kusang kinitil ng dalagita ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa bakanteng lote hindi kalayuan sa isang pabrika.
Hawak na rin ng lokal na pulisya ang kuha ng CCTV kung saan nahagip ang pagliko ng dalagita sa isang madilim na parte ng kalye sa kahabaan ng Evangelista Avenue.
Limang araw matapos ideklarang missing, natagpuan si Sophia na nakabigti at wala nang buhay. Positibong kinilala ng ama ng biktima ang narekober na bangkay.
Bagamat walang nawala sa mga personal na gamit ng biktima, nakuha naman ng mga imbestigador ang isang liham ng pamamaalam ni Sophia sa kanyang ama at mga kaklase.
