ASAHAN ang mas suwabeng proseso sa pagdinig ng impeachment complaints na inihain laban kay Vice President Sara Duterte matapos katigan ng House Justice Committee ang pagkakasunod-sunod ng mga usapin na kanilang tatalakayin.
Sa mosyon ni Deputy Speaker at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, idineklara ni House panel chairperson at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang pagtukoy sa ililinyang mga ebidensya sa susunod ng pagdinig sa Abril 14.
Mungkahi ni Khonghun, pagsamahin na lamang ang magkakahalintulad na ebidensya at testigo para matukoy kung may “probable cause” ang mga alegasyon laban sa akusado.
“For the purpose of our next hearing on April 14, the Committee should consider adopting the sequence of the grounds… and receive the evidence for both impeachment complaints jointly, considering that they may have common evidence,” paglalahad pa ng ranking House official.
Hirit ni Khonghun, ang mga usapin tungkol sa maling paggamit confidential funds ang siyang unang isalang, sunod ang isyu sa Department of Education (DepEd), bribery at corruption-related charges.
Sa panig ni ML Partylist Rep. Leila de Lima na tumatayong endorser ng impeachment complaint na inihain ni Fr. Joel Saballa et. al., ang isinusulong ng Khonghun ay sang-ayon sa impeachment grounds na nakasaad sa kanilang isinampang reklamo.
Katunayan aniya, gayon din ang magiging hanay ng mga ebidensyang ipiprisinta ng mga complainants sa likod ng inindorsong reklamo, partikular sa isyu ng confidential funds at suhol.
Kumpyansa naman ang House panel na mapabibilis ang talakayan lalo pa’t maiiwasan ang duplikasyon sa presentasyon ng mga ebidensya at testimonya.
