PATULOY na umaasa ang House prosecution team na magkakaroon ng lakas ng loob si Vice President Sara Duterte sumalang sa witness stand para direktang sagutin ang kinakaharap na kaso sa Senate impeachment court, Para kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, higit na angkop humarap si Duterte sa paglilitis lalopa aniya’t tanging ang akusado lamang umano ang makakapag paliwanag sa ipinrisintang financial records at deklarasyon ng yaman sa sinumpaang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Kung hindi aniya makapag desisyon ang mga abogadong tagapagtanggol ni Duterte, handang-handa naman umano ang prosekusyon i-cross examine ang akusadong bise-presidente sakaling napagpasyang personal na magbigay ng salaysay sa korte, “Depende ‘yan sa strategy ng depensa kung pupunta po siya, eh di mas okay kasi matagal na nga po namin sinasabi yan para meron din pong pagkakataon din ang prosecution na i-cross examine siya,” wika ng Lanao del Sur solon. “Dahil at the end of the day, ika nga eh, we need to hear straight from the horse’s mouth,” dugtong ng kongresista, Giit ni Alonto Adiong, nais ng prosekusyon na si Duterte ang sumagot sa mga ibinabatong katanungan hinggil sa kinakaharap na impeachment charge dahil hindi naman aniya nakapagbigay-linaw ang mga ipinrisintang testigo ng depensa. “Kasi mukhang ang mga pini-present nila (defense) na mga saksi ay it’s either, ‘hindi ko alam,’ ‘hindi ko maalala,’ or ‘I prefer not to answer that or I do not know’ (ang sinasagot),” kantyaw ni Alonto Adiong. Aniya, ang mga testigong isinalang ng depensa ay pawang kapos sa kredibilidad dahil na rin sa pagiging malapit — kung hindi man sunud-sunuran lang sa mga Duterte, “Lahat po ay mga biased witnesses. That’s why their credibility was tested in court,” ani Alonto Adiong. “Kaya nga po parati ‘pag hina-hard press sila ng mga questions, ang parati po nilang sanctuary para po takasan ’yung mga tanong ng mga senator-judges ay ‘hindi ko alam, hindi ko matandaan, hindi ko maalala,’” dagdag niya. Tahasang sinabi ng House trial spox na malaking pagkakaiba ito sa prosecution witnesses na kinabibilangan ng government officials at custodian ng official financial at corporate records na iniuugnay kay Duterte at esposong si Atty. Manases Carpio. Samantala, pinuna ni Alonto Adiong ang desisyon ng depensa na huwag nang kuhanan ng salaysay ang ilang testigo kinatawan mula sa iba’t-ibang bangko, na aniya’s naging palusot ng kampo ni Duterte para hindi na maungkat pa ang bank accounts ng akusado at kabiyak na abogado. Partikular na tinukoy ni Alonto Adiong ang dollar accounts ng mag-asawang Duterte-Carpio. Ani Alonto Adiong, mayroong liham si Bank of the Philippine Islands (BPI) Senior Vice President Paul Roderick Ysmael, na dapat ay sumalang sa impeachment court noong Nobyembre 12 subalit inurong ng depensa bunsod ng kumpirmasyon ng bangko sa foreign currency account ni Duterte. “Ang sinabi niya doon sa sulat na response ng BPI ay mukhang mayroong dollar accounts ang vice president, and they have acknowledged that. So, for example, ipe-present talaga nila ito, ipe-pursue nila ito, that would open up another floodgate of issues,” pahayag pa niya. “Hindi lang pala 817 million [pesos], baka mas malaki pa kasi may dollar accounts din pala ang vice president.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Justice Lazaro-Javier retirado na, Cordoba humalili Panibagong suspensyon ikakasa kontra Estrada