NANAWAGAN ang mga lokal na pamahalaan ng Maynila at Quezon City sa mga residente na gumamit ng facemask sa tuwing lalabas ng tahanan bilang proteksyon sa hindi magandang kalidad ng hangin.
Batay sa pinakahuling Air Quality Index (AQI), pasok na sa kategoryang “unhealthy” at “very unhealthy” lantas ng kalidad ng hangin sa nakalipas na dalawang araw.
Pinayuhan naman ng Quezon City LGU ang mga residente na kung hindi maiiwasan ang pag-alis ay magsuot ng face mask bilang proteksyon, lalo na ang mga senior citizen, buntis, at may respiratory disease tulad ng hika.
Bukod sa Quezon City, naglabas rin ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga residente ng lungsod.
Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), naitala dakong alas-12:00 ng tanghali ang “unhealthy for sensitive groups” na kalidad ng hangin sa Anda Circle, San Sebastian Residences, at Sta. Ana Hospital.
Umabot naman sa “very unhealthy” ang kalidad ng hangin sa Puregold Tayuman.
Pinayuhan din ng mga nabanggit na lokal na pamahalaan ang mga bata, senior citizen, buntis, at mga may sakit sa baga tulad ng hika na manatili na lamang sa loob ng bahay at iwasan ang paglabas kung hindi kinakailangan.
