KUNG nagawa ni dating House Speaker Martin Romualdez siputin ang patawag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), walang dahilan para hindi siputin ng kongresista ang paanyaya ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ito ang giit ni Senador Panfilo Lacson sa isinasagawang pagdinig ng komite sa mga alegasyon ng korapsyon sa 2025 budget.
Ani Lacson, pinadala ng komite ang hindi bababa sa dalawang imbitasyon kay Romualdez upang tumugon sa mga paratang na nag-uugnay sa kanya sa kontrobersyal na flood control scandal at iba pang irregularidad.
“The Blue Ribbon Committee gave the former speaker at least two chances through official invitations to testify under oath and public scrutiny to what may be his strong argument against allegations of masterminding the ‘mangling beyond recognition’ of the 2025 national budget during the bicameral conference, which he now claims to have been made by only two people – then Senate President Chiz Escudero and ex Cong and House Appropriations Chairman Zaldy Co,” ayon kay Lacson sa isang post sa X.
Dinaan ng komite ang mga imbitasyon sa tanggapan ni Speaker Faustino Dy III, alinsunod sa prinsipyo ng inter-parliamentary courtesy. Hindi dumalo si Romualdez sa mga pagdinig noong Nobyembre 14 at Enero 19.
Nitong Martes, naglabas ng video statement si Romualdez na itinangging sangkot siya sa mga talakayan sa 2025 budget, na inilarawan bilang “mangled beyond recognition” at naglalaman ng ilang kahina-hinalang item na may bahid ng korapsyon.
Itinuro ni Romualdez ang mga desisyon sa budget kina Escudero at Co, at sinabing hindi siya bahagi ng bicameral conference committee o ng “small committee” na gumawa ng mga pagbabago sa General Appropriations Bill (GAB) matapos itong maaprubahan ng Senado at Kamara.
Si Lacson, na matagal nang tagapagbantay ng kaban ng bayan, ay paulit-ulit na nagsusulong ng mga reporma sa proseso ng budget, lalo na sa mas mataas na transparency sa antas ng bicameral conference.
Noong Agosto 2025, sinuportahan ni Lacson ang panukala ni Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian na ipatupad ang pag-upload ng mga dokumentong may kaugnayan sa budget sa mga website ng gobyerno, gayundin ang hakbang ni House appropriations committee chairperson Mikaela Angela Suansing para sa mga reporma, kabilang ang pag-aalis ng tinatawag na “small committee.”
